Services

 'Aprub ka Egay' Multi-Services Caravan inilunsad

 (Ang artikulong ito ay nailathala noong Marso, 2011 sa Bantayog, ang opisyal na pahayagan ng probinsya.)

 

Layunin ng administrasyon ni Gobernador Edgardo ‘Egay’ A. Tallado na mailapit ang Kapitolyo sa mga mamamayan, at maipadama sa publiko ang kanyang sinseridad na makapaglingkod.

Dahil dito, binuo ang ‘Aprub ka Egay! Serbisyo Publikong Tunay’ Provincial Government Multi-Services Caravan. Isasagawa ito sa pamamagitan ng mga community assemblies na isa sa mga mandato ng mga pamahalaang lokal na nakapaloob sa R.A. 7160 (Local Government Code of 1991).

Ang naturang proyekto ay pormal na inilunsad noong Marso 7, 2011 sa pamamagitan ng angkop na programang isinagawa sa Camarines Norte Sports, Cultural and Arts Center (CNSCAC). Dinaluhan ito ng mga punong barangay mula sa 282 barangay ng 12 bayan ng lalawigan kabilang na ang kani-kanilang barangay kagawad gayundin ang mga barangay tanod.

Sa idinaos na prog-rama, pinangunahan ni Provincial Legal Officer Atty. Sim O. Mata, Jr. bilang project director nito, ang project presentation kung saan inilahad niya ang proseso kung paano ipatutupad ang caravan, ang mga serbisyong ipagkakaloob sa mga taga-barangay, at ang mga serbisyo, tungkulin at responsibilidad ng mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan. Lahat naman ng mga department heads at division chiefs sa ilalim ng tanggapan ng gobernador ay nagsidalo.

Hindi nakadalo sa project launching si Gob. Tallado na noo’y nasa isang opisyal na byahe gayunman ipinaabot nito sa pamamagitan ni Bise Gobernador Jonah G. Pimentel ang kayang mensahe na patuloy ang gobernador sa kaniyang pagbibigay sa publiko ng mga serbisyo at pribilehiyo na angkop at karapat-dapat tanggapin ng mga mamamayan. Nanawagan din siya na makipagtulungan ang mga ito para matiyak ang maayos at malawakang pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad ng pamahalaang panlalawigan na sila rin ang makikinabang.

Samantala, ang naturang programa ay sinimulan sa pamamagitan ng isang panalangin na pinamunuan ni Bb. Annabel Defeo, Hepe ng Provincial Assessor’s Office. Sinundan ito ng pag-awit sa Himno Camarines Norte sa pangunguna ni Gng. Theresa Lamadrid ng General Services Office; Welcome Remarks ni Provincial Director Robin Mercado ng Department of Interior & Local Government (DILG) Provincial Office at pagkatapos ay project presentation ni Atty. Mata, Jr. ng Provincial Legal Office.

Natapos ang programa sa pamamagitan ng pangwakas na pananalita mula kay Dr. Arnulfo Salagoste, Provincial Health Officer.

Sa ilalim ng caravan, maaaring ipagkaloob sa mga barangay ang mga sumusunod na serbisyo: 1) Serbisyong Pangkalusugan (Health Services) – libreng tsek-ap, gamot at bitamina, pagsuri sa tipo ng dugo, pagtingin ng blood pressure, at blood letting, libreng tuli na isasagawa sa bakasyon; 2) Kalusugang Pampubliko (Public Health) – libreng bakuna laban sa rabis, pagbibigay ng impormasyon para makaiwas sa rabis, at pagbawas sa bilang ng mga asong-gala, pamamahagi ng baboy; 3) Serbisyong-Pang-agrikultural - pama-mahagi ng mga pantanim na butong-gulay at pantanim na punong-prutas, pagdaraos ng lecture-demo ukol sa mga resipeng/lutuing mula sa isda at pagbibigay ng kopya ng mga fish recipes, pamamahagi ng semilya ng tilapya, tulong-teknikal para sa produksyong pang-agrikultural at pampangisdaan, at pagpapaabot ng mga impormasyon ukol sa mga makabago at napapanahong agricultural technologies and practices gayundin ang animal production technologies; 4) Programa para sa mga Kabataan (Youth Programs) – Tulong pang-kolehiyo (college education assistance) sa pamamagitan ng Provincial Government Scholarship Program (PGSP), at skills training sa mga out-of-school youths (OSYs); 5) Pangkalikasan (Environmental) - pama-mahagi ng mga pantanim na punongkahoy at mga adbokasiya (advocacy) ukol sa pa-ngangasiwa at pangangalaga sa kalikasan kasama gayundin ang mga rekomendasyon para sa ligtas na paraan ng pagmimina; 6) Real Property Documentation – pag-isyu ng libreng updated tax declarations at assessment rolls of barangays; 7) Tulong sa mga Barangay (Mandatory Cash Assistance to Barangays) na nagkakahalaga ng P1,000.00 bawat barangay, tulong-teknikal sa pagbalangkas ng barangay development planning and budgeting at tulong-teknikal sa pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay at libreng payong-ligal; 8) Information and Education Campaign – pagdaraos ng seminar para sa Katarungang Pambarangay at Disaster Risk Reduction and Management, mga batas na umiiral para maprotektahan ang mga kabataan at kababaihan, pamamahagi ng mga information and advocacy materials ukol sa mga programa ng pa-mahalaan, at pagpapaka-lat ng mga impormasyon sa iba’t-ibang serbisyo ng pamahalaang panlalawigan gaya ng job facilitation sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga jobs fair, Special Program for the Employment of Students (SPES), National Bureau of Investigation (NBI) Clearancing, tulong sa naabusong mga kababaehan at kabataan sa pamamagitan ng Halfway Home, at iba pa.

Maliban dito, ang Unang Ginang Josie B. Tallado bilang suporta sa kanyang kabiyak na gobernador, ay mamahagi ng medical equipment tulad ng pang-BP, weighing scale, wheelchairs, at tsinelas, ganundin ng libreng gupit, hair dye, hot oil, at massage at/o physical therapy .

Ang magiging pinakatampok na aktibidad sa nakatakdang mga serye ng caravan ay ang gaga-wing pakikipagdayalogo ni Gob. Tallado sa mga opisyal ng barangay. Sa pamamagitan nito, aalamin ng gobernador ang mga pinakapangunahing serbisyo, programa at proyekto na kailangang-kailangan ng mga taga-barangay. Layunin din nito na matukoy ang mga problema ng mga barangay at kung paano sila matutulungan ng pamahalaang panlalawigan. LT IBASCO

Login Form

Back to Top